Naghaian kamaikailan ng panukalang batas si House Speaker Pantaleon Alvarez upang amyendahan ang Juvinile Justice System sa bansa.
Layon ng House Bill No. 2 na ibaba ang minimum age ng criminal liability sa siyam mula sa kasalukuyang labinlimang taon gulang.
Ngunit para sa Manila Youth Reception Center, hindi ito ang solusyon sa pagsugpo ng krimen sa bansa.
Mas makabubuti anilang paunlarin ang mga rehabilitation center sa bansa upang kumalinga sa mga kabataang nasasangkot sa krimen
Sa kasalukuyan, may 141 kabataan na nasa edad na 15 pababa ang sumasailalim sa rehabilitation program sa myrc bunsod ng pagkakasangkot sa iba’t-ibang ilegal na gawain kabilang ang robbery, theft, drug related cases at murder.
Ang mga ito ay sumasailalim sa counseling, social services at tech- vocational activities.
Sa ngayon may inilaan nang pondo ang Manila City Gov’t upang magdagdag ng mga rehab center para mabigyan ng maayos na pasilidad ang mga youth offender na nangangailan ng pagkalinga.
Hindi naman maiaalis sa ilang magulang ang pag-alala kapag naaprubahan ang panukala ni Speaker Alvarez ngunit may ilan din naman sang-ayon dito.
Naniniwala ang mga social worker sa mga rehabilitation center at temporary shelter na malaki ang tiyansang magbagong buhay ang mga bata sa pamamagitan ng tamang paggabay maging ng kanilang mga magulang.
(Aiko Miguel / UNTV Correspondent)
Tags: hindi makatutulong sa pagsugpo sa kriminalidad - MYRC, Pagpapababa sa edad ng mga batang may pananagutan sa batas