Pagmamando sa trapiko sa EDSA, sinimulan na ng PNP-HPG

by Radyo La Verdad | September 10, 2019 (Tuesday) | 26351
PHOTO: Cielo Cotillon

“Takot sa pulis,” ito ang isa sa dahilan kung bakit humingi ng tulong ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa PNP Highway Patrol Group sa pagmamando ng trapiko sa EDSA.

Ayon kay Bong Nebrija, MMDA Traffic Chief, “Kasi wala naman sila takot sa MMDA eh. Alam mo talaga sobra yung pambabastos nila sa atin sa kalsada for the reason na for the longest period of time eh yung mga enforcers natin ay kung ano anong kalokohan ang ginagawa, so ang hirap disiplinahin.”

Pero hindi sa buong kahabaan ng EDSA makikita ang mga pulis kundi simula EDSA Timog hanggang EDSA Ortigas lamang.

Ipinagpauna ni Nebrija na hindi dapat umasa ang publiko na makakita agad sila ng pagbabago lalo na at wala namang polisiyang binago.

“This is not a miracle pill na magkakaroon tayo ng milagro ngayong araw na to mawawala na yung traffic, itong pagsasanib na to more than anything else is strengthening our traffic management and enforcement as well,”  dagdag pa ni Nebrija. Pabor naman dito ang ilang motorista.

Ayon kay Joel Austria, bus driver, “Mas maganda kasi mas magiging disiplinado ang mga driver. (takot ka ba sa pulis? Tanong ni UNTV reporter Mon Jocson) ah sakto lang naman.”

Sinabi rin ni Vicente Bisueña III, bus driver, “Siyempre karamihan natatakot yan sa kanila eh kaya malaking bagay sila po.”

Minsan ng nagmando ng trapiko ang HPG sa EDSA noong taong 2015 nang si Secretary Rene Almendras pa ang nahirang na traffic CZAR sa EDSA.

(Mon Jocson | UNTV News)

Tags: , ,