Pagmamando ng trapiko ng PNP-Highway Patrol Group sa Edsa, sisimulan na sa lunes

by Radyo La Verdad | September 2, 2015 (Wednesday) | 1382

TRAFFIC
Ang Highway Patrol Group na ng Philippine National Police ang magmamando ng trapiko sa kahabaan ng Edsa simula sa lunes.

Kasunod ito ng utos ni Pangulong Benigno Aquino the third kahapon upang maibsan ang nararanasang mabigat na trapiko ng mga motorista.

Ayon kay HPG Director P/CSupt. Arnold Gunnacao, siyam napu’t anim na tauhan ang itatalaga nila sa mga natukoy na traffic chokepoint kabilang ang Pasay Rotunda, Guadalupe, Shaw Boulevard, Ortigas Avenue, Aurora Boulevard at Balintawak.

Walong HPG Personnel per shift ang itatalaga bawat chokepoint, bukod pa sa sampung tauhan ng local police para sa police visibility, at mga tauhan ng MMDA na mangangasiwa naman pansamantala sa pagbibigay ng ticket kapag may traffic violation.

Bukod dito,makikipag-ugnayan rin ang HPG sa mga lokal na pamahalaan para sa clearing operations sa chokepoints upang maalis ang illegal vendors at mga sasakyang iligal na nakaparada.

Mas magiging mahigpit rin sila sa mga sasakyang nakahinto lang sa kalsada at naka-hazard signal gayong hindi naman emergency.

Kasama rin sa mga tututukan ng HPG ay ang mga bus na hindi dumadaan sa nakatalagang linya, iligal na pagpapalit ng lane at iba pang traffic obstruction.

Tiwala naman ang pinuno ng hpg namararamdaman na ng publiko sa loob ng isang lingo ang gagawin nilang pagmamando ng traffic sa edsa subalit na ngangailangan aniya ito ng disiplina at pakikipagtulungan ng mga motorista.

Aminado rin ang HPG na mas malaking hamon ang kanilang haharapin sa pag-aayos ng trapiko sa Edsa kumpara sa paghabol sa mga carnapper.

Pinawi naman ni Gunnacao ang agam-agam ng mga motorista sa posibleng pagbalik ng kotong cops dahil tiniyak niyang mapaparusahan ang mga pulis na mangongotong kapalit ng pag-abswelto sa traffic violations ng mga motorista. ( Lea Ylagan/ UNTV News)

Tags: