Pagluluwag sa Quarantine Classification sa NCR upang makabawi ang ekonomiya, inirekomenda

by Erika Endraca | August 19, 2021 (Thursday) | 8086

METRO MANILA – Hindi na kakayanin pa ng mga manggagawa sa Metro Manila ang epekto ng ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine sakaling palawigin pa ito ng pamahalaan.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III kailangan nang magbukas ng mga negosyo sa NCR upang maka-recover sa 2 Linggong implimentasyon ng ECQ.

“Kung ituloy natin ang ECQ na yan baka hindi na makayanan ng ating mga workers and you know our economy is based on business, kung walang business walang economy, kung walang workers paano gagalaw ang negosyo kaya ‘yun ang consideration” ani DOLE Sec. Silvestre Bello III.

Samantala, suportado ni Special Adviser to the National Task Force Against COVID-19 Dr. Ted Herbosa ang panukala ni Sec Bello na buksan na ang ilang negosyo upang makapag trabaho na ang mga manggagawa.

Aniya, mahalaga ang pagbalanse sa ekonomiya at kalusugan ng mga Pilipino sa gitna ng nararanasang pandemya.

Ngunit inirerekumenda naman nito na paigtingin ang localized lockdown sakaling ibaba sa Modified ECQ ang quarantine status sa NCR.

“Kung opinyon ko lang ang masusunod kung ako ang namumuno sa IATF, ibababa ko sa MECQ at paiigtingin ko yung mga mayor yung mga LGU, yung localized lockdown testing at testing doon sa mga lugar na para hindi lahat napapahamak, yung area na may clustering or pagdami para masugpo kaagad, parang nagpapatay ka ng sunog sa ibat-ibang parte ng Metro Manila”ani Special Adviser on National Task Force vs COVID-19 Dr. Ted Herbosa.

Sa obserbasyon ni Dr. Herbosa, naging epektibo ang ECQ dahil bahagya nang bumababa ang naitatalang mga kaso sa rehiyon.

“Nagtala tayo ng 10,000 from many days na over 14,000, parang tatlong consecutive days na 14,000 tapos kahapon bumaba na, mukhang may tulong yung ating ginawang ECQ sana tuloy-tuloy ito at hindi dumami.” ani Special Adviser on National Task Force vs COVID-19 Dr. Ted Herbosa.

Gayunman nilinaw nito na nasa IATF pa rin ang pinal na desisyon ukol sa ipatutupad na quarantine classification sa Metro Manila pagkatapos ng August 20.

(Marvin Calas | UNTV News)

Tags: , ,