Pagluluwag ng health protocols kaugnay ng face-to-face classes, aprubado na ng DOH – DepEd

by Radyo La Verdad | March 10, 2022 (Thursday) | 11819

METRO MANILA – Inaasahang mas darami pa ang magbubukas na mga paaralan ,ngayong mas luluwagan pa ang mga protocols na ipatutupad para sa limited face-to-face classes.

Ayon kay DepEd Planning Service Director Roger Masapol, pirma na lamang ang kulang para opisyal nang maipatutupad ang revised joint guidelines ng DepEd at DOH para sa mas maluwag ng guidelines ng progressive expansion phase ng limited face-to-face classes.

Sa ilalim nito, agaran nang makapagbubukas ng limited physical classes ang isang paaralan kapag nakapasa na ito sa safety assessment tool ng DepEd.

Ginawa na ring alert level ang sistema mula sa nakaraang community quarantine based, kung saan papayagan pa rin na mag face-to-face classes ang isang eskwelahan kahit pa mayroon kaso ng COVID-19 sa isang barangay kung saan naroroon ang paaralan.

“Dati kapag mayroong isang case ng COVID-19 sa isang barangay hindi pupwedeng sumali ang isang school sa face-to-face, ngayon as long as ang school ay nasa alert level 1 or 2 pupwede po siyang magsimula kahit may case ng covid sa barangay.” ani DepEd Planning Service , Dir. Roger Masapol.

Pero paglilinaw ng DepEd, kinakailangan pa rin na may approval ng lokal na pamahalaan ang pagdaraos ng face-to-face classes, gayundin ang consent ng mga magulang na mga estudyanteng sasama sa physical classes.

Mananatili ang mandatory minimum public health standards gaya ng pagsusuot ng face mask at physical distancing sa loob ng eskwelahan at proper ventilation sa mga classroom.

Samantala, bagaman mas hinihikayat ng kagawaran na sumama sa face-to-face classes mga estudyanteng nabakunahan na laban sa COVID-19.

Nilinaw ng DepEd na hindi nila maaring pagbawalan na mag physical classes ang mga mag-aaral na hindi pa rin bakunado.

Ito ang tugon ng education department matapos na mapabalitang nire-require ng Bacolod City LGU na tanging fully vaccinated na mga estudyante lamang doon ang pinahihintulutan na makilahok sa face-to-face classes.

As of March 5, nasa 6,641 na na mga paaralan ang nakapasa na sa safety assessment tool ng kagawaran, 6,121 dito ang nakabalik na face-to-face classes.

(Janice Ingente | UNTV News)

Tags: ,