Pagluluwag ng age-based restriction sa MGCQ areas, makatutulong sa mga bata- Malacañang

by Erika Endraca | January 25, 2021 (Monday) | 5284

METRO MANILA – Dumipensa ang Malacañang sa ginawang desisyon ng Inter-Agency Task Force(IATF) kaugnay ng pagluluwag ng age restrictions sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) areas.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kinunsiderang mabuti ng IATF ang lahat ng panig bago humantong sa desisyon nitong payagan na ang mga 10-14 years old na makalabas ng bahay sa areas na pinakamaluwag ang quarantine classification simula February 1, 2021.

Batay sa pahayag ng palace official, makabubuti ito sa pisikal, social at mental health ng mga bata na 10 buwan nang nanatili sa kanilang mga pamamahay.

Iginiit din ng kalihim na iba ang usapin sa pagkakaroon ng face-to-face classes.

May kumukwestyon sa pinakabagong polisiya ng IATF na kung papayagan nang lumabas ng bahay ang mga bata, dapat ay pahintulutan na rin ang pagkakaroon ng physical classes.

Subalit ayon kay Roque, mahirap ipatupad ang physical distancing sa face-to-face classes at mas malaki ang posibilidad na ma-expore sila sa virus dahil sa intensity ng interaction ng mga bata sa paaralan.

Gayunman, ang paglabas ng mga bata sa MGCQ areas tuwing weekend o sa libreng oras kasama ang kanilang mga magulang o kaanak ay limitado lamang sa family bubble o miyembro ng pamilya kaya mas ligtas.

Muli namang ipinunto ng palasyo na ang hakbang na ito ay bahagi ng pagbubukas ng ekonomiya at tiniyak na bagaman may pagluluwag, mahigpit namang ipatutupad ang mga safeguard at health protocol.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,