Paglobo ng populasyon ng Pilipinas, lalong magpapalago ng ekonomiya – POPCOM

by Radyo La Verdad | January 7, 2016 (Thursday) | 3646

POPCOM
Bagamat nakakaalarma ang pagtaya ng Commission on Population o POPCOM na aabot sa 104.2 million ang populasyon ng bansa sa katapusan ng 2016, maituturing pa rin naman itong oportunidad upang lalong mapalago ang ating ekonomiya.

Ayon kay Commission on Population Executive Director Juan Antonio Perez III, ang malaking populasyon ang magbibigay ng malakas na labor force o puwersa ng mga manggagawa sa bansa.

Bukod rito, mas makakaakit rin ito ng foreign investments sa Pilipinas.

Ikinumpara ni Perez ang age structure at kasalukuyang sitwasyon ng bansa sa China, na nahaharap sa iba’t ibang social at economic problems dahil sa mga polisiya nito sa population control.

Noong nakaraang Oktubre lamang niluwagan ng China ang family planning restrictions nito sa pamamagitan ng pagbawi sa one-child policy na ilang dekada nang mahigpit na ipinatutupad sa bansa.

Ngayong Enero a-uno lang din sinimulang ipatupad ang two-child policy sa China upang masolusyonan ang problema ng gender imbalances at pagnipis ng workforce ng bansa.

Subalit sa kabila ng lumulobong populasyon ng Pilipinas, dumarami naman ang mga mahihirap at umaasa lamang sa mga nagtatrabaho.

Kung kaya’t paliwanag ni Perez, kailangan mag-invest ang pamahalaan sa human capital and development.

Ibig sabihin, dapat palakasin pa ang mga programa at serbisyo sa sektor ng edukasyon, kalusugan at paggawa.

Patuloy naman ang pagpapatupad ng Commission on Population ng mga programa tungkol sa responsible parenthood at reproductive health, na silang nagtuturo sa mga mag-asawa kung kailan dapat magsimula at paano magplano ng pamilya.

Ito ay upang mabigyan ng mabuting kalusugan at magandang buhay ang kanilang mga anak.

(Bianca Dava/UNTV News)

Tags: , ,