367% ang naitalang pagtaas sa kaso ng measles o tigdas sa bansa ngayong taon kumpara noong 2017. Sa tala ng Department of Health (DOH), mula Enero hanggang Nobyembre 2018, mahigit 17, 000 ang naitala nilang kaso ng tigdas.
Ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III, lumobo ang kaso ng tigdas sa bansa dahil sa kawalan ng tiwala ng publiko sa immunization program ng pamahalaan dulot ng kontrobesiya sa Dengvaxia.
Mula aniya nang pumutok ang isyu ng Dengvaxia, maraming mga Pilipino na ang natakot magpabakuna, kahit pa ng mga bakunang matagal nang napatunayang epektibo gaya ng bakuna sa tigdas.
Ito ang dahilan kung bakit nakapagtala na rin ang DOH ng mga measles outbreak sa Zamboanga noong Pebrero kung saan anim ang naitalang nasawi.
Nitong Oktubre, nakapagtala rin ng 300% pagtaas ng kaso ng tigdas sa Bicol.
At kahapon lamang, labing walo na ang naitalang nasawi sa tigdas sa Sarangani Province mula sa walumpu’t apat na tinamaan ng sakit doon.
Karamihan sa apektado ng tigdas ay nasa apat na buwan hanggang 40 taong gulang at karamihan ay mga babae. Nakitaan ang mga ito ng mga sintomas gaya ng lagnat, sipon, ubo, pamumula ng mata, pamamaga ng lalamunan at rashes sa buong katawan. Lahat ng mga naitalang may tigdas ay hindi pa nagkakatigdas noon.
Bumuo naman ng investigating team ang DOH para sa naturang mga kasong naitala sa Sarangani Province. Ang mga kaso ay mula sa B’Laan Tribe na hindi sanay magpabakuna.
Ayon pa kay Sec. Duque, conflict-affected area din ang mga lugar kaya isa rin itong dahilan kung bakit hindi agad naabot ng serbisyong medikal ng pamahalaan.
Samantala, nabakunahan na ng DOH ang dalawang daang bata sa mga lugar kung saan may naitalang kaso ng tigdas upang huwag nang mahawa ang mga ito.
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )