Paglitaw ng jueteng at iba pang iligal na sugal, pinangangambahan ng PNP dahil sa pagpapasara ng Small Town Lottery

by Erika Endraca | July 30, 2019 (Tuesday) | 6409

Manila, Philippines – Pinangangambahan ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang pagbalik ng mga iligal na sugal matapos ipasara ang mga gaming outlet ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kabilang ang Lotto, Small Town Lottery (STL), peryahan ng bayan at Keno.

Katunayan ayon kay PNP Chief Police General Oscar Albayalde may natanggap na siyang report na may 2 probinsya sa Central Luzon na dire-diretso ang operasyon ng jueteng.

“Sinara ang outlet pero di tumigil ang activity ibig sabihin there’s illegal gambling going on” ani PNP Chief Police General Oscar Albayalde

Kaagad namang inatasan ni Police General Albayalde ang lahat ng regional directors na hulihin ang mga nagpapataya ng illegal numbers game.

Aniya, mas mabuti rin kung gagayahin ng ibang local chief executives ang ginawa ni Manila Mayor Isko Moreno na kinansela ang business permit ng mga outlet ng STL at Lotto.

Inamin din ng pamunuan ng PNP, na apektado ng pagsasara ng PCSO gaming outlets ang PNP Health Service.

“Basically sa gamot napupunta yung suporta na nanggagaling sa pcso in a way yes maaapektuhan yun” ani PNP Chief Police General Oscar Albayalde.

Samantala mahigit 30,000 PCSO gaming outlets na ang naipasara ng PNP sa buong bansa bilang tugon sa utos ng pangulo.

(Lea Ylagan | Untv News)

Tags: , ,