Paglilitis sa P200-million damage suit na isinampa ni VP Binay sa Makati RTC, pinapalipat ng venue ni Sen. Antonio Trillanes

by Radyo La Verdad | August 10, 2015 (Monday) | 1837

TRILLANES
Sumulat sa Korte Suprema si Sen. Antonio Trillanes IV upang hilingin na alisin sa Makati ang paglilitis sa 200-million peso damage suit na isinampa ni Vice President Jejomar Binay.

Pakiusap ni Trillanes sa Korte Suprema, ilipat ang paglilitis sa kahit aling Korte sa Metro Manila mula sa Makati RTC Branch 133.

Ito aniya ay upang magkaroon ng patas na paglilitis sa kaso at huwag mabahiran ang magiging desisyon ng korte.

Ayon sa senador, hindi maitatangging malaki ang impluwensya at kapangyarihan ng pamilya Binay sa Makati City na tuloy-tuloy nilang pinamunuan sa loob ng 28 taon mula noong 1986.

Sa panahon aniya ng panunungkulan ng mga Binay, patuloy na nagbibigay ng allowance at suporta ang City Government sa mga Huwes at Piskal sa Makati.

Bagamat hindi siya naniniwala na makakaapekto ito sa kaso, mas makabubuti na ayon kay Trillanes na wag mapagdudadahan na may kikilingan ang mga huwes at piskal sa Makati na hahawak sa kaso.

Posible rin umanong malagay sa panganib ang kanilang buhay dahil sa kakayahan ng mga Binay na humakot ng mga tagasuporta upang hadlangan ang pagpapatupad ng kautusan ng mga otoridad.

Ayon pa kay Trillanes, posibleng dahil dito ay magdalawang isip ang mga testigo na humarap sa paglilitis sa kaso dahil sa takot na manganib ang kanilang kaligtasan.

Sinubukan ng UNTV News na kunin ang panig ni Binay ngunit wala pang sagot ang kanyang abogado.

Sinampahan ng civil case ni Binay sina Trillanes, dating Makati City Vice Mayor Ernesto Mercado at labindalawang iba pa dahil sa umano’y paninira sa kanyang reputasyon.

Ayon sa kampo ni Binay, malisyoso ang mga alegasyon nina trillanes laban sa pangalawang pangulo na idinadaan sa mga pagdinig sa Senado. (Roderic Mendoza / UNTV News)

Tags: