Paglilitis sa kasong plunder ni Napoles at Atty Gigi Reyes, itinakda na ng Sandiganbayan

by Radyo La Verdad | October 27, 2015 (Tuesday) | 3196

GIGI
Tanging ang mga plunder case ng akusadong si Janet Lim Napoles at dating Chief of Staff ni Sen. Juan Ponce Enrile na si Atty Jessica “gigi” Reyes ang itutuloy ang paglilitis sa susunod na taon.

Ito ay sa dahilang hindi pa rin makapagpasa ang kampo ng prosekusyon ng bill of particulars sa kaso ni Sen. Juan Ponce Enrile na naglalayong linawin ang impormasyon sa kasong isinampa laban sa kanya.

Bagaman tinutulan ng abogado ni Reyes na ipagpatuloy ang paglilitis at iginiit na hintayin muna ang bill of particulars, ipinasya ng korte na ituloy na ang paglilitis dahil tapos na ang preliminary conference.

“I was putting on record my continuing objection dun sa pag-set ng court sa pretrial and trial on the merits, kung si Enrile binigyan ng pagkakataon na makapagprepara after ng submission ng bill of particulars, dapat kami rin”. Pahayag ni Atty. Anacleto Diaz abogado ni Gigi Reyes

Itinakda ng Sandiganbayan 3rd Division ang paglilitis tuwing miyerkules at huwebes mula January 13 hanggang July 7 2016.

Ipinagutos na rin ng korte na magsimute ang kampo ng prosekusyon ng listahan ng mga testigo na ipiprisinta sa paglilitis.

Samantala, dininig na rin ng Sandiganbayan 3rd Division ang hiling ni Reyes na sumailalim sa dental.surgery sa labas ng BJMP Camp Bagong Diwa sa Taguig.

Ayon sa testigo na dentista ng BJMP na si Dr. Analiza Cabras, kayang isagawa ng BJMP ang kinakailangan na tooth extraction kay Reyes pero kulang pa sila sa pasilidad para sa implants ng ngipin.

Hindi naman tinutulan ng kampo ng prosekusyon ang hiling ni Reyes ngunit iginiit nito na sa isang pampublikong ospital dapat isagawa ang operasyon.

Submitted for resolution at dedesisyunan na ang Sandigan bayan 3rd Division ang mosyon ni Reyes

Kasalukuyang nakaditine si Reyes sa BJMP Camp Bagong Diwa sa Taguig dahil sa kasong plunder kaugnay ng pdaf scam. ( Joyce Balancio / UNTV News)

Tags: , , , ,