Paglilitis sa kasong plunder ni Janet Napoles at Atty. Gigi Reyes itutuloy na sa susunod na taon

by Radyo La Verdad | October 27, 2015 (Tuesday) | 1603

JOYCE_NAPOLES-REYES
Tanging ang mga plunder case ng akusadong si Janet Lim Napoles at dating Chief of Staff ni Sen.Juan Ponce Enrile na si Atty.Jessica “Gigi” Reyes ang itutuloy ang paglilitis sa susunod na taon.

Ito ay sa dahilang hindi pa rin makapagpasa ang kampo ng prosekusyon ng bill of particulars sa kaso ni Sen.Juan Ponce Enrile na naglalayong linawin ang impormasyon sa kasong isinampa laban sa kanya.

Bagaman tinutulan ng abogado ni reyes na ipagpatuloy ang paglilitis at iginiit na hintayin muna ang bill of particulars, ipinasya ng korte na ituloy na ang paglilitis dahil tapos na ang preliminary conference.

Itinakda ng Sandiganbayan 3rd division ang paglilitis tuwing Miyerkules at Huwebes mula Jan 13 hanggang July 7 2016.

Ipinagutos na rin ng korte na magsimute ang kampo ng prosekusyon ng listahan ng mga testigo na ipiprisinta sa paglilitis.

Samantala, dininig na rin ng Sandiganbayan 3rd division ang hiling ni Reyes na sumailalim sa dental.surgery sa labas ng BJMP Camp Bagong Diwa sa Taguig.

Ayon sa testigo na dentista ng BJMP na si Dr. Analiza Cabras, kayang isagawa ng BJMP ang kinakailangan na tooth extraction kay Reyes pero kulang pa sila sa pasilidad para sa implants ng ngipin.

Hindi naman tinutulan ng kampo ng prosekusyon ang hiling ni Reyes ngunit iginiit nito na sa isang pampublikong ospital dapat isagawa ang operasyon.

Kasalukuyang nakaditine si reyes sa BJMP Camp Bagong Diwa sa Taguig dahil sa kasong plunder kaugnay ng PDAF Scam.(Joyce Balancio/UNTV Correspondent)

Tags: , , ,