Dalawang taon na ang nakalipas mula nang isampa ang kasong plunder at graft laban kay Sen.Jinggoy Estrada, ngunit hanggang ngayon hindi pa rin nalilitis.
Humingi na naman ng karagdagang isang buwan ang kampo ng prosekusyon upang ma-markahan ang mga eidensiyang gagamitin sa paglilitis sa kaso.
Ayon kay Prosecutor Ma. Cristina Batacan, may isa o dalawang dokumento pa sila na kinukuha mula sa ibang ahensya ng gobyerno.
Tinutulan ito ng mga abogado ni Estrada at sinabing dalawang taon na magmula nang maisampa ang mga kaso laban sa senador, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin kumpleto ang mga ebidensya laban kay Estrada.
Tumanggi naman si Associate Justice Roland Jurado na magkaroon pa ng reserved evidence o mga dokumentong hindi pa nai-priprisinta sa korte ngunit mamarkahan na bilang ebidensya maliban nalang kung may valid ground para dito.
Sa halip ipinagutos ni Jurado na markahan na lahat ang mga ebidensya sa preliminary conference bago ang paglilitis.
Isinasagawa ang preliminary conference para mas mapabilis ang paglilitis sa kaso.
Ito ang ika apat na pagkakataong iniurong ang paglilitis sa kaso dahil sa kulang kulang na ebidensya.
Sa Sept.12 itinakda muli ang pre-trial ng kasong graft at plunder.
Kasalukuyang nakaditine si Estrada sa PNP Custodial Center dahil sa kasong plunder.
Inakusahan ang senador ng pagkamal ng mahigit 183 million pesos mula sa pageendorso ng kanyang Priority Development Assistance Fund o PDAF sa mga pekeng NGOs ni Janet Napoles.
(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)
Tags: kasong plunder at graft, Sandiganbayan, Sen. Jinggoy Estrada