Paglilitis sa drug cases ni Sen. Leila De Lima, di pa rin nasisimulan makalipas ang isang taon

by Radyo La Verdad | February 26, 2018 (Monday) | 6092

Isang taon na ang nakalipas mula nang ipaaresto si Senator Leila De Lima. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin nasisimulan ang paglilitis sa kanyang mga kasong illegal drug trading.

Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre, hinihintay lamang nila ang utos ng Muntinlupa Regional Trial Court kung uumpisahan na ang paglilitis. Nagkaroon nga lang ng problema sa mga huwes na may hawak sa kaso.

Unang nagbitiw si Judge Juanita Guerrero na siyang nagpakulong sa senadora. Nagbitiw rin si Judge Myra Quiambao dahil matalik nitong kaibigan ang iba sa mga piskal na may hawak sa kaso.

Sa ngayon, hawak ni Judge Patria Manalastas-de Leon ang isang kaso, habang dalawa ang nasa sala ni Judge Amelia Fabros-Corpuz na malapit nang magretiro.

Ayon sa abogado ni De Lima na si Atty. Boni Tacardon, tinitingnan pa nila kung ano ang magagawang remedyo dito.

Naniniwala naman si Secretary Aguirre na hindi problema ang sinasabing kawalan ng ebidensiya laban kay De Lima. Binago na aniya ang demanda at ginawa na lamang conspiracy o pakikipagsabwatan upang magbenta ng droga.

Pero ayon kay Tacardon, wala talagang ebidensiya ang DOJ kaya binago ang demanda.

Batay aniya sa mga naging desisyon ng Korte Suprema, dapat makapagpakita ng patunay na nagkaroon ng bentahan ng droga gaya ng dami at uri ng droga, kung sino ang nagbenta at pinagbentahan nito.

Magugunitang kinasuhan si De Lima dahil sa pakikipagsabwatan umano nito sa mga drug lord sa New Bilibid Prison sa pagbebenta ng droga para sa kanyang kampanya noong 2016 elections.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

Tags: , ,