Paglilitis kay dating Sen. Jinggoy Estrada hinggil sa PDAF scam, ipagpapatuloy

by Radyo La Verdad | August 1, 2018 (Wednesday) | 45697

Magpapatuloy ang paglilitis ng mga kasong plunder at katiwalian ni dating Senador Jinggoy Estrada kaugnay ng pagkakasangkot nito sa pork barrel scam.

Sa botong 6-4, pinagtibay ng Korte Suprema ang resolusyon ng Office of the Ombudsman na nagsasabing may sapat na batayan upang litisin sa Sandiganbayan ang dating senador.

Tumanggi muna ang kampo ni Estrada na magbigay ng pahayag hinggil sa isyu dahil hindi pa umano nila natatanggap ang kopya ng resolusyon.

Matatandaang Abril noong 2014 umapela sa Korte Suprema si Estrada at hiniling na baliktarin ang resolusyon ng Ombudsman.

Nanindigan ito na biktima siya ng selective justice at political persecution bilang dating miyembro ng opposition sa panahon ng Aquino administration.

Batay sa kasong isinampa ng Ombudsman, tumanggap si Estrada ng 183 milyong piso na kickback mula sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Setyembre 2017 pinayagan naman ng Sandiganbayan na magpiyansa ang dating senador dahil mahina umano ang ebidensiya laban dito.

Bukod kay Estrada, kinasuhan din ng Ombudsman sina dating Senador Juan Ponce Enrile at Ramon Bong Revilla Jr.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,