Paglilinis sa iligal na droga sa mga barangay, target ng PDEA na matapos sa loob ng 4 na taon

by Radyo La Verdad | October 11, 2017 (Wednesday) | 3757

Target ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA na sa loob ng 4 na taon ay malinis ang mga barangay sa iligal na droga.

Sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino sa programang “Get it Straight with Daniel Razon” na hihilingin nito kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kakulangan sa ahensya.

Plano nitong magkaroon ng 1,000  recruites kada taon dahil sa ngayon ay nasa 2 libo lamang ang mga tauhan nito.

Kailangan din aniya ng mga karagdagang special equipment at establisadong opisina sa iba’t-ibang lugar sa bansa maging sa New Bilibid Prison para mas matutukan ang transaksyon ng droga ng mga preso.

Samantala, target din ng PDEA na mailipat na ng kulungan si Maasim, Sarangani Mayor Aniceto Lopez.

Ayon kay Aquino, nakakaramdam siya ng panganib sa paghawak kay Lopez dahil tagasuporta ito ng mga rebelde at isang terrorist group.

Nakakulong si Lopez ngayon sa PDEA Region 12 sa General Santos City at kung mapagbibiyan ang kanilang mosyon ay ililipat na ito sa Provincial Jail. Si Lopez ay inaresto ng PDEA matapos matagpuan ang iligal na droga sa bahay nito.

Sinabi ni Aquino na abot hanggang sa Maynila ang koneksyon ni Lopez dahil sa narecover na green book.
 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,