Paglilinis sa hanay ng PNP vs tiwaling pulis, paiigtingin; pagtanggap sa mga bagong pulis, hihigpitan

by Radyo La Verdad | September 11, 2017 (Monday) | 2801

Kabi-kabilang batikos ngayon ang ipinupukol sa kampanya kontra iligal na droga ng pamahalaan na pinangungunahan ng PNP. Ito ay dahil sa mga nakalipas na insidente ng pamamaslang sa mga kabataan na umano’y may kinalaman sa droga at kinasasangkutan ng pulisya.

Dahil dito, bukod sa pagtutok sa anti-illegal drugs campaign ay paiigtingin din ng pamunuan ng pambansang pulisya ang paglilinis sa kanilang hanay. Kabilang sa mga paraan na ginagawa ng PNP sa kanilang internal cleansing effort ay ang paghihipit sa pagtanggap ng mga bagong recruit sa loob ng pambansang pulisya.

Ayon kay DILG officer-in-charge Catalino Cuy, mas mabuti na ito upang sa simula pa lamang ay hindi na makapasok ang mga tiwaling pulis na nakasisira sa imahe ng PNP.

Sa kasalukuyan, nasa mahigit isang libong reklamo laban sa mga tiwaling pulis ang natanggap ng counter Intelligence Task Force ng PNP. Karamihan dito ay mga bagitong pulis na sangkot umano sa iba’t-ibang iligal na gawain.

Plano ng DILG na repasuhin ang polisiya sa paraan ng pag-recruit, training at deployment ng mga pulis. Nais rin ng ahensya na maibalik sa PNP ang full control ng training sa mga bagong pulis. Subalit sa ngayon ay nakabinbin pa ang panukalang batas tungkol dito.

 

(Mon Jocson / UNTV Correspondent)

Tags: , ,