Paglilimita ng mga lumang kotse sa lansangan, binawi ng LTO

by Radyo La Verdad | April 8, 2016 (Friday) | 8421

VINTAGE-CAR
Pansamantalang ipinagpaliban ng Land Transportation Office ang pagpapatupad ng kautusan na naglilimita ng mga vintage car sa mga lansangan.

Ayon sa LTO, hindi na muna nila ipatutupad ang kautusan habang nakabinbin pa ang konsultasyon sa mga auto group at car owners.

Batay sa inilabas na administrative order ng LTO noong March 1, maaari na lamang gamitin ang mga vintage motor vehicles tuwing weekend at holiday.

Sinabi ni LTO Chief Atty. Roberto Cabrera na nais lamang nilang masiguro ang kaligtasan ng publiko kaya nila naisip ito.

Karamihan din aniya sa mga vintage car ay walang tinatawag na source document.

Subalit nilinaw ng LTO na kung ang isang vintage car ay ginagamit lamang sa mga car show o display hindi na ito kailangang irehistro pa sa kanilang tanggapan.

Hindi naman ito ikinatuwa ng ibang mga car group at vintage car owner dahil hindi naman anila ito dumadaan sa public consultation.

Para naman sa isang vintage car owner na nagmamayri ng 1942 MB Willys na jeep, ang dapat aniyang unahin alisin ng LTO sa mga lansangan ay ang mga lumang sasakyan na wala na talaga sa maayos na kondisyon.

Gagawa ang LTO ng bagong draft ng naturang kautusan batay sa mga magiging resulta ng kanilang pakikipag-usap sa mga vintage car owner at ibang grupo.

(Mon Jocson/UNTV NEWS)

Tags: ,