Isinumite ang HB 5984 o ang FOOD SAFETY ADMINISTRATION ACT OF 2015 upang masimulan ang paglikha ng isang batas at tanggapan kaugnay ng Food Administration sa bansa.
Layon nitong masugpo ang pagdami ng kasong kaugnay ng food poisoning sa bansa dahil sa mga pagkaing madalas nabibili sa mga tindahan.
Base sa ulat ng DOH, may 1,825 na kaso karamihan mga kabataan mula sa Southern Philipines ang dinadala sa mga pagamutan dahil sa pananakit ng tiyan, pagsusuka at diarrhea dahil sa pagkain ng home-made na minatamis o fruit-flavored candies at ng rice cakes.
Ang isinumite ni Rep.Winston Castelo na panukalang batas ay layon ding lumikha ng mga panuntunan upang masunod ang hygiene standards sa food industry sa bansa katulong ang Department of Health at Bureau of Food and Drugs Administration.
May mga hawak din na resulta ang DOH na nakitaan ng bacterium ang mga nakain ng mga biktima.
Ayon kay DOH Sec. Janette Garin maaring sa paggawa ng mga pagkain ay hindi nakapaghugas ng kamay ang gumawa, natuluan ng pawis o nahulugan ng buhok ang mga pagkaing nakontaminado.
Isinangguni na ang naturang panukala sa House Committee on Government Reorganization at Committee on Health para sa kaukulang aksyon.
Tags: DOH, food safety administration, Kamara