Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang dapat ikabahala sa ulat ng pagkakaroon ng Chinese Survey Ships malapit sa Benham Rise noong nakalipas na taon.
Ayon sa Pangulo, ipinaalam na ito sa kanya bago pa man maglayag ang mga ito sa lugar.
Ang Benham Rise ay tinatayang nasa 250 kilometro silangan ng hilagang baybayin ng Isabela.
Ito ay sagana sa langis at yamang dagat.
Noong nakaraang linggo nabanggit ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na noong nakalipas na taon ay may mga namataang Chinese Survey Ships malapit sa Benham Rise na kinikilala ng united nations na teritoryo ng Pilipinas.
Kinumpirma naman ng China na mayroon itong mga barkong dumaan sa lugar ngunit wala namang dapat na ipag-alala ang pamahalaan tungkol dito.
Samantala tiniyak naman ni Pangulong Duterte na may standing order siya sa militar na patuloy na magpatrolya sa mga teritoryo ng Pilipinas
Nanindigan din ang pangulo na walang hinihinging kapalit ang China tulad ng pag-angkin ng teritoryo sa commitment nitong tulong pinansyal sa pagpapalago ng ekonomiya ng Pilipinas.
(Rosalie Coz / UNTV Corrrespondent)
Tags: Benham Rise, China, pangulo, survey ships