Paglalagay ng sundalo sa mga lansangan upang manghuli ng mga colorum na sasakyan, pinag-aaralan ng LTFRB

by Radyo La Verdad | July 4, 2016 (Monday) | 870

JOAN_LTFRB
Pinag-iisapan na ng bagong pinunuo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB, ang paglalagay ng mga sundalo sa mga kalsada partikular sa Metro Manila.

Layunin nito na hulihin ang mga kolorum na mga pampasaherong sasakyan.

Sa pagharap kanina sa media ng bagong chairman ng LTFRB na si Atty.Martin Delgra III, inihayag nito na sa ngayon ay nakikipagugnayan na sila sa iba pang ahensya ng pamahalaan, upang hulihin ang mga sasakyan na iligal na nago-operate sa iba’t-ibang ruta partikular sa Metro Manila.

Sa oras na mapaigting ang kampanya kontra colorum, iminungkahi rin ng LTFRB na huwag ng isama ang lahat ng public utility vehicle sa umiiral na number coding scheme.

Layon nito na hindi kulangin sa public transport sakaling mawala na ang mga kolorum na sasakyan.

Siniguro naman ng Transporation Secretary Arthur Tugade na hindi ito magiging pahirap sa mga commuter.

Bagaman may ilang transport group na suportado ang panukala ni Delgra, may ilan pa rin ang tutol dito.

Samantala, hindi rin pabor ang grupo ng National Commuters Safety and Protection sa planong pagtatalaga ng mga sundalo sa mga lansangan.

Ayon kay Elvira Medina ang presidente ng NCSP, mas makatutulong aniya kung bubuo na lamang ng isang programa ang Transportation Department na naglalayong huwag tangkilikin ng mga commuter ang mga kolorum na sasakyan.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,