Paglalagay ng SRP sa bigas, ilulunsad sa Sabado

by Radyo La Verdad | October 23, 2018 (Tuesday) | 6099

Bilang na ang araw ng mga nagtataasang presyo ng bigas sa mga pamilihan.

Ngayong ika-27 ng Oktubre ay pangungunahan ng Department of Agriculture (DA), National Food Authority (NFA) at Department of Trade and Industry (DTI) ang paglalagay ng suggested retail price (SRP) na isasagawa sa Commonwealth Market.

Ayon kay Agriculture Sec. Manny Piñol, mawawala na ang mga P60 na presyo ng premium rice dahil hanggang P43 na lamang ang SRP nito.

Oobligahin din ang mga retailer na ilagay sa kanilang mga karatula kung ang bigas ay imported o Filipino rice. Dapat ding nakalagay kung ito ay regular, well-milled, premium at special rice.

Ipagbabawal na ang paglalagay ng pangalan ng fancy rice gaya ng Mindoro Dinorado, Sinandomeng, Super Angelica, Yummy Rice at Double Diamond.

Bukod sa imported na premium, ang imported na well milled rice naman ay may SRP na P39 kada kilo.

Ang Philippine rice na regular milled ay P39, P44 ang well milled habang P47 naman sa premium.

Wala namang ilalagay na SRP sa special rice gaya ng Cordillera heirloom rice, organic brown, red and black rice, real Dinorado, Milagrosa, Jasponica, Doña Maria, Hinumay, Malido, Kamoros at Malagkit.

Ayon kay Piñol, maaaring kanselahin ang mga lisensya o patawan ng multa ang mga lalabag sa SRP.

Uunahing ipatupad ang SRP sa Metro Manila at isusunod naman ang ibang rehiyon. Hati naman ang reaksyon ng mga nagtitinda at mamimili ng bigas ukol dito.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,