Isinusulong ngayon sa Senado ang pag-install ng mga solar panel sa mga paaralang walang kuryente, partikular sa mga pampublikong elementary at high school.
Batay sa panukalang batas na ini-akda ni Senador Sonny Angara, gagawing mandatory ang pagkakabit ng mga solar panel sa mga pampublikong eskuwelahan.
Bunsod ito ng kasalukuyang estado ng mga naturang paaralan na hanggang sa ngayon ay nananatili pa ring walang kuryente.
Ayon sa senador hindi nila matamasa ang komportableng pag-aaral sapagkat madilim ang kanilang silid-aralan at ni walang magamit na computer para makatulong sa kanilang leksyon.
Nakasaad sa Senate Bill no. 2597, inaatasan nito ang Department of Education, sa pakikipagtulungan ng Department of Energy at ng Department of Science and Technology na siguruhing may solar panels na naka-install na may kapasidad na kumarga ng 200 watts ng kuryente sa mga paaralan lalo na sa mga hindi pa inaabot ng elektrisidad.
Katumbas ng panukalang ito ni angara ang isinusulong namang panukala ni A Teacher partylist Rep. Julieta Cortuna na House Bill no. 4715.
Ayon kay Cortuna, bagaman kabilang sa mga benepisyaryo ng kasalukuyang electrification program ng National Electrification Administration ang lahat ng public classrooms sa bansa, kinakailangan pa rin ang solar power na kundi man alternatibo ay siyang magiging pangunahing power source ng mga silid-aralan.(Bryan de Paz/UNTV Correspondent)
Tags: DepEd, House of Representatives, Rep. Julieta Cortuna, Sen. Sonny Angara, Senate, solar panel