Pinaplano ng Department of Trade and Industry at ng mga negosyante sa Masbate City na maglagay ng sariling water transportation o sasakyang pandagat sa lungsod.
Sa ngayon mayroong anim na roll on roll off vessel, dalawang fastcraft at dalawang motorized banca ang bumibyahe sa pantalan ng Masbate patungong Pilar, Sorsogon at Pio Duran sa Albay, ngunit ang lahat ng ito ay hindi pagmamay-ari ng sinuman sa taga-Masbate.
Nangangamba ang mga negosyante sa lungsod na kung biglaang magkakaroon ng pagtigil ng operasyon o pag pull out ng alinman sa mga ito ay makakaapekto ito ng husto sa transportasyon, lalo na’t ang Masbate ay isla na nakadepende sa sasakyang pandagat upang makatawid sa mga karatig na lugar.
Kaya naman nais ng DTI at ng mga mamumuhunan sa siyudad na magkaroon ng water transportation facilities na pag aari ng mga tagarito gaya ng fastcraft o roll on roll off vessel.
Problema ngayon ang madalas na naaantala ang biyahe ng dalawang fastcraft araw- araw. Ang dating dalawang oras na biyahe mula Masbate papuntang Pilar Port sa Sorsogon ay inaabot na ng tatlong oras. Kasama rin sa kanilang plano ang paglalagay ng mga pampasaherong bus na bi-biyahe mula Masbate hanggang Metro Manila at balikan na makalilikha rin ng karagdagang hanapbuhay sa mga taga-Masbate.
Sa tala ng Philippine Coast Guard, umaabot sa mahigit dalawang libong pasahero ang bumibiyahe paalis ng Masbate tuwing peak season kaya naniniwala ang DTI at mga negosyante sa lungsod na mas makikilala pa ng husto ang Masbate sa pamamagitan ng proyektong ito.
(Gerry Galicia / UNTV Correspondent)
Tags: DTI, Masbate City, mga negosyante, water transportation