Kung tuluyang maaamyendahan ang Saligang Batas at maaprubahan ng taumbayan ang federal charter na pinapanukala ng consultative committee, maibibilang na ang karapatan sa edukasyon, kalusugan, at pabahay sa bagong bill of rights.
Ayon sa dating punong mahistrado at ngayo’y pinuno ng Consultative Committee (Con-Com) na si Reynato Puno, kapag nangyari ito ay maoobliga na ang pamahalaan na gumawa ng mga polisiya upang matiyak ang sapat at masustansyang pagkain para sa mga Pilipino na nakapaloob sa right to health o kalusugan.
Subalit sa ngayon, patuloy pa ring kinakalampag ng mga civil society groups at non government organizations ang Kongreso para maisabatas naman ang zero-hunger bill o ang Right to Adequate Food Framework Act.
Layon ng panukalang batas na resolbahin ang suliranin sa kagutom sa bansa sa loob ng sampung taon.
Sa kasalukuyan, nakabinbin pa ito sa senate committee samantalang pasado na sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa Kamara.
Suportado naman ang panawagang ito ng Commission on Human rights (CHR).
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )