Paglalagay ng militar sa BOC, dinepensahan ni Pangulong Rodrigo Duterte

by Radyo La Verdad | November 7, 2018 (Wednesday) | 8798

Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang appointment o designation nang atasan niya ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para tumulong sa pagresolba ng katiwalian sa Bureau of Customs (BOC).

Kasunod ito ng pangalawang paglusot sa Adwana ng bilyong-bilyong pisong halaga ng shabu shipment.

Kinuwestyon ang punong ehekutibo ng mga kritiko dahil batay sa batas, walang aktibong miyembro ng AFP ang dapat maitalaga sa anomang civilian position sa pamahalaan.

Ayon sa Pangulo, hanggang hindi makatitiyak sa law and order sa Customs, mananatili ang presensya ng militar sa kawanihan.

Una nang sinabi ng Malacañang na mag-oobserba lang at tutulong sa operasyon ang mga sundalo.

Samantala, sinabihan naman ni Pangulong Duterte ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na wag mag-speculate hinggil sa usapin ng halaga ng shabu na nakalusot sa BOC sa pamamagitan ng apat na magnetic lifters.

Ginawa ito ng punong ehekutibo kaharap ang kaniyang miyembro ng gabinete sa Malacañang kahapon kabilang na ang dating Customs commissioner at ngayo’y TESDA Director General Isidro Lapeña.

Una nang iniulat ng PDEA na tinatayang nasa 11 bilyong piso ang halaga ng smuggled shabu matapos na muling timbangin ang mga naturang lifter. Halos doble ito sa naunang ulat na 6.8 bilyong piso.

Ayon sa Pangulo, hindi tatanggapin sa korte ang ganitong sapantaha.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,