Paglalagay ng mga tauhan ng militar sa BOC, upang manakot sa mga tiwaling tauhan – Malacañang

by Radyo La Verdad | October 31, 2018 (Wednesday) | 6962

Nilinaw ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi itatalaga sa pwesto sa Bureau of Customs (BOC) ang mga tauhan ng militar.

Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na napilitan siyang atasan ang Armed Forces na mag-take over sa BOC dahil may mga lawless elements sa BOC.

Ayon kay Panelo, magbibigay lamang ng ayuda ang mga sundalo sa tanggapan ng BOC at mag-oobserba. Ang kanilang presensya aniya ay makakatulong upang pigilan ang mga katiwaliang nangyayari sa BOC.

Binatikos si Pangulong Duterte sa pahayag nito noong Linggo na magtatalaga siya ng mga tauhan ng militar sa BOC at ilalagay sa floating status ang mga tauhan at opisyal ng BOC.

Subalit nanindigan ang Malacañang na walang nilalabag na batas ang punong ehekutibo. Batay sa article sixteen, section five-four ng Saligang Batas, walang active personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang maaaring italaga sa anumang civilian position sa pamahalaan kabilang na ang government-owned or controlled corporation at mga subsidiary nito.

Ayon sa Malacañang, may karapatan si Pangulong Duterte na gumawa ng matinding hakbang dahil sa pagkakaroon ng lawless elements sa BOC.

Gayunman paglilinaw ng Malacañang, dapat munang hintayin ng mga empleyado sa BOC ang official memorandum  na manggagaling sa incoming Customs Commissioner Rey Guerrero hinggil sa mga ipatutupad na mga pagbabago sa tanggapan.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,