Nilagdaan na ni Department of Health Secretary Paulyn Jean Ubial at ng ilang mga kinatawan sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng Department of Labor and Employment at Overseas Workers Welfare Administration ang Memorandum of Agreement para sa paglalagay ng Overseas Filipino Workers wing o ward sa mga pampublikong ospital sa bansa. Layon nito na makapagbigay ng libreng medical assistance sa mga OFW at pamilya ng mga ito.
Ngunit ayon sa DOH, binubuo pa ang implementing guidelines upang matukoy kung sino ang maaaring makakuha ng benepisyo.
Samantala, kukunin ang pondo para sa pagpapagawa ng mga OFW wing sa 164 billion pesos na pondo ng DOH sa Hospital Facility Enhancement Program.
Una nang naaprubahan ang pagtatayo ng unang OFW wing sa Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital sa Pampanga na isa sa mga lugar na may pinakamaraming bilang ng OFW.
Ito ay may higit sa limampung kwarto para sa mga OFW at opisyal na magbubukas sa katapusan ng buwan.
Patuloy naman ang pakikipag-usap ng DOH sa iba pang pampublikong ospital sa bansa at target nitong makapaglagay ng OFW ward sa pitumpong ospital sa pagtatapos ng taon.
Samantala, bahagi rin ng nilagdaang MOA ang pagpayag ng POEA at DOLE na tanggapin as valid requirement ang mga resulta ng pre-employment medical examinations mula sa government hospitals upang makatitipid ang mga nais na magtrabaho sa ibang bansa.
(Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent)