Paglalagay ng mga opisyal sa housing agencies, ipinauubaya na ni VP Leni sa Pangulo

by Radyo La Verdad | July 15, 2016 (Friday) | 937
Photo Courtesy: OVP
Photo Courtesy: OVP

Hindi makikialam ang pangalawang pangulo sa paglalagay ng mga mamumuno sa mga housing agency na nasa ilalim ng Housing and Urban Development Coordinating Council o HUDCC na kanyang pinamumunuan.

Ayon kay Vice President Leni Robredo, bagamat mayroon siyang karapatang mamili ng itatalagang opisyal ay ipinauubaya na lamang niya ito sa pangulo.

Nasa ilalim ng HUDCC ang Home Development Mutual Fund (Pag-Ibig Fund), Home Guaranty Corporation (HGC), Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB), National Housing Authority (NHA), National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC) at Social Housing Finance Corporation (SHFC).

Sa anim na ito, sa nha pa lamang nakapaglagay ng bagong pinuno si Pangulong Rodrigo Duterte.

Nitong nakaraang miyerkules pinulong ni Robredo ang iba’t ibang leader ng urban poor groups upang alamin ang kanilang kasalukuyang sitwasyon.

Sa datos ng HUDCC sa 241,255 na target housing project ng pamahalaan sa mga nasalanta ng kalamidad mula 2010 hanggang 2015,164,635 lamang ang naitayo.

Ayon kay VP Leni, tuloy-tuloy ang kaniyang pakikipagpulong sa iba’t ibang business sector para makahanap ng maaaring maging partner ng HUDCC sa pagtatayo ng mga pabahay.

(Grace Casin/UNTV Radio)

Tags: