Isasailalim na sa Alert level 2 simula March 1-15, 2022 ang buong probinsya ng Cebu dahil sa patuloy na pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Dahil dito, papayagan nang mag-operate sa full capacity ang mga Public Utility Vehicles (PUV) sa Cebu Province simula ngayong araw (March 1).
Ito ay matapos na maglabas ng panibagong executive order si Cebu Governor Gwendolyn Garcia nitong February 28, 2022 na nagpapahintulot na magsakay ang mga sasakyan gaya ng mga jeep, bus, minibus, taxi, at utihlity vehicle express hanggang 100% capacity nito.
Gayunman, mahigpit nitong pinagbabawal ang paglalagay ng mga extension seats at ang pagsasakay ng mga pasaherong nakatayo lamang para maiwasan ang overloading at upang masunod pa rin ang minimum health standards.
Obligado rin ang mga Public Transport Operators na linisin o regular na i-disinfect ang kanilang mga sasakyan lalo na ang mga upuan, armrest, at handle upang maiwasan ang posibleng hawaan.
Ang mga PUV naman na papasok ng North at South Bus Terminals ay kinakailangang kumuha ng trip ticket paglabas dito.
Nakapaloob sa mga trip tickets ang (1) QR Code; (2) plate number ng sasakyan; (3) petsa ng pagbiyahe; (4) ruta; (5) control number; (6) permitted seating capacity; (7) bilang ng sakay na pasahero; (8) notice of last disinfection; at (9) pirma ng dispatcher na siyang titingnan naman ng mga pulis sa mga checkpoints nito kung sumusunod nga ba ang mga PUV operators at drivers sa mandato ng pamahalaang lungsod.
Habang ang mga pampublikong sasakyang papasok naman ng Cebu Province ay kinakailangang kumuha ng Provincial Public Utility Vehicle Pass kung saan nakapaloob dito ang (1) plate number; (2) control number; (3) permitted seating capacity; (4) QR Code; at (5) lagda ng governor sa harap at ng Provincial Administrator naman sa likod ng vehicle pass.
Sinomang PUV operator na makitaang lumalabag sa nasabing ay papatawan ng mga kaukulang parusa base sa umiiral na regulasyon ng LTFRB at LTO at hindi na papayagan pang makarating sa destinasyon ang sasakyan.
Gayunman, ang naturang PUV operator pa rin ang magbibigay ng transportasyon sa mga pasahero nito papunta sa kanilang destinasyon gamit ang ibang pampublikong sasakyan na mayroong kaukulang hinihinging dokumento.
(Syrix Remanes | La Verdad Correspondent)