Paglalaanan ng masisingil na dagdag na amilyar ng QC gov’t, palaisipan para sa homeowners association

by Radyo La Verdad | April 20, 2017 (Thursday) | 1074


Hindi inaasahan ng mga miyembro ng Quezon City Homeowners Association ang pagtaas sa pagsingil sa real property tax ng lungsod.

Kaya pansamantala silang nakahinga ng maluwag nang pigilan ng Korte Suprema ang hakbang na ito ng pamahalaang lungsod.

Ipinakita ng presidente ng Alliance of QC Homeowners Association na si Gloria Soriano ang kaniyang binayarang amilyar.

Kung saan umabot sa 8,640 pesos ang kaniyang binayaran ngayong 2017, kumpara sa 5,832 pesos noong 2016

Dito mapapansin sa kaniyang official receipt ang nangyaring pagtataas sa basic tax, special education fund at ang tinatawag na idle land tax.

Kinunsulta aniya sila ng city hall noong last quarter ng 2016 tungkol sa tax increase.

Ngunit hindi naman umano naikonsidera ang kanilang posisyon.

Kwestyonable rin sa kanila kung saan partikular mapupunta ang ginawang pagtataas sa amilyar.

Paliwanag naman ni QC Administrator Aldrin Cuna, kinakailangan nang magtaas ng fair market values ng mga lupa ang lungsod na siya ring dahilan kaya tumaas ang amilyar.

Natanggap na ng pamahalaang lungsod ang desisyon ng Korte Suprema at hihilingin nila na makakuha ng kopya ng petisyon upang agad silang makapagkumento ukol sa usapin sa pagtataas ng singil sa amilyar.

(Nel Maribojoc)

Tags: , ,