Nilinaw ng Department of Budget and Management na walang halong pamumulitika ang pag-allocate ng budget sa ilalim ng Bottom Up Budgeting Program o BUB.
Inakusahan kamakailan ng United Nationalist Alliance o UNA ang Liberal Party ng panunuhol sa mga botante gamit ang BUB program na nilaanan ng 24.7 billion pesos ngayong taon.
Ayon sa UNA, umaabot sa 10 probinsya ang nabigyan ng 27 percent ng BUB budget, at karamihan sa mga ito ay mga vote-rich province
Sagot dito ni Presidential Spokesperson Sec. Edwin Lacierda
“Andaming mga anecdotal, testimonials ang nagsasabing, nakatulong sa amin ang BUB, iba ang mentalidad ng mga taga Binay camp, sa kanila, ang tawag nila binabribe daw ang barangay, suhol sa barangay,e kung matino kang tao, mari-realize mo, nakakatulong yun.” Ani Lacierda
Sinabi naman ni Secretary Butch Abad, performance based ang pagtukoy kung magkano ang i-aallocate sa kada munisipalidad, syudad o probinsya sa ilalim ng BUB.
Dagdag pa ni Abad na nag-umpisa ang BUB noong pang 2013 na may budget allocation na mahigit walong bilyong piso.
Sa 24.7 billion pesos na inilaan para sa taong 2016, 11 billion pesos ang tiyak na mapupunta sa mga proyekto o programa ng may mahigit 1500 na syudad at munisipalidad.
Paliwanag nito nagkakaroon ng malaking Internal Revenue Allotment o IRA ang isang LGU kapag malaki rin ang kinikita nito.
Ang maliliit ang kita, maliit din ang ira kaya kulang ang budget ng mga ito sa pagpapatupad ng mga programa o proyekto.
Dati, dumadaan pa sa National Government Agencies ang BUB budget na syang magbibigay naman sa mga LGU.
Ngunit ngayong taon diretso na ito sa mga LGU.
Sa ngayon ay pinagaaralan na rin ng pamahalaan kung bibigyan ng sariling budget ang mga barangay para sa pagpapatupad ng mga programa o proyekto.
(Darlene Basingan/UNTV News)
Tags: Bottom Up Budgeting Program, Department of Budget and Management