Paglagda ni Pangulong Aquino sa Tax Incentives Management and Transparency,lubos na ikinagalak ni Senator Angara

by Radyo La Verdad | December 10, 2015 (Thursday) | 1268

MERYLL_ANGARA
Lubos na ikinagalak ni Senador Sonny Angara ang pagpapatibay ni Pangulong Aquino sa Tax Incentives Management and Transparency Act (TIMTA) na naglalayong iladlad sa publiko ang tax incentives na ipinagkakaloob ng gobyerno sa mga rehistradong negosyo sa bansa.

Sa ilalim ng RA 10708, inaatasan ang lahat ng negosyong sakop ng investment promotion agencies na mag-file ng kompleto at taunang tax incentives report na siya namang isusumite sa Bureau of Internal Revenue, Bureau of Customs at Department of Finance (DOF).

“Pinasasalamatan ko rin ang ating mga kasamahan sa Kamara lalo na si Cong. Miro Quimbo at Cong. Leni Robredo na sumuporta sa ating panukala at lalo na si Pangulong Aquino na nagpatibay sa batas na ito. Matapos ito, susunod naman nating itutulak ang priority bill ng administrasyon — ang Customs Modernization and Tariff Act. Umaasa tayo na kapalit ng pagsuporta natin sa mga panukalang ito ay ang pagpapatibay sa ating isinusulong na tax reform bill,” dagdag pa ni Angara.

Upang lubusang ma-monitor ang tax incentive, ang DOF ay kinakailangangn mag-mantine ng single database kung saan ito ay isusumite sa DBM.

Upang matiyak naman na walang anomalya sa mga datos na ito, ang lahat ng impormasyong isinumite sa DBM ay ilalahad sa taunang Budget Expenditures and Sources of Financing na kikilalanin bilang Tax Incentives Information section.

Binigyang-diin pa ni Angara na hindi magiging sagabal o hadlang sa kasalukuyang fiscal incentives ang TIMTA sapagkat ang layunin lamang naman nito ay matiyak na walang anomalya sa pagkakaloob ng insentibo sa buwis sa mga negosyante.

Alinmang business entity na mabibigong sumunod sa nilalaman ng batas na ito ay papatwan ng multang P100,000 sa unang pagkakamali, P500,000 sa ikalawang pagkakataon at kanselasyon o pagbawi sa rehistrasyon nito sa ikatlong pagkakamali.

(Meryll Lopez/UNTV Radio Reporter)

Tags: , ,