Paglagagay ng plastic barriers, hindi na oobligahin kasabay ng pagtataas ng passenger capacity sa mga PUV sa NCR Plus

by Radyo La Verdad | November 1, 2021 (Monday) | 7291

METRO MANILA – Magsisimula nang itaas ang passenger capacity sa mga pambulikong transportasyon sa kalsada at mga tren simula sa November 4.

Ipatutupad ito sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal province.

“Nadetermina nila na karamihan po ng ating mamamayan na pumpasok din sa NCR ay nanggagaling sa karatig probinsya natin. Kaya minarapat po ng IATF na isama na rin po yung mga karatig probinsya na rin na nasa mucep area kung tawagin po.” ani Department of Transportation Usec. Artemio Tuazon Jr.

Magiging gradual ang pagtaaas ng passenger capacity. Mula sa kasalukuyang 50% , gagawin itong 70 percent hanggang maging 100% capacity sa loob ng isang buwan.

Papayagan na rin ang pagtayo ng mga pasahero sa mga sasakyan. Ngunit kasabay nito, maaari na ring tanggalin ng mga driver ang mga plastic barrier sa pagitan ng mga pasahero.

Bukod sa pagtataas ng kapasidad, nauna nang inaprubahan ng pamahalaan ang P1-Bilyong pondo para sa fuel subsidy sa mga public utility jeepney (PUJ).

Ipamamahagi ito sa ilalim ng pantawid pasada program kung saan gagamitin ang atm card ng bank account na nakarehistro sa operator ng jeep.

Ayon sa LTFRB, titiyakin nito na magagamit mismo ng mga tsuper ang ayuda bilang subsidya sa pagbili ng krudo bunsod ng sunod-sunod na oil price hike.

“We’re looking at ways by which maibaba din at magagamit mismo ng mga tsuper kung saan sila po yung bumibili ng krudo lalong lalo na yung tinatawag natin mga traditional jeepney na yung mga tsuper ay bumabyahe sa ilalim ng tinatawag na boundary system. So, sila po yung gagamit. Tsuper yung gagamit kasi sila po yung bibili ng krudo.” ani LTFRB Chairman, Atty. Martin Delgra III.

Nakikipag-ugnayan na rin ang LTFRB sa Department of Energy (DOE) upang umapela sa mga oil company na magbigay ng diskwento para sa lahat ng mga PUV upang makatulong sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: , ,