Paglabas ng 11,000 bilanggo, hindi banta sa Komunidad – PNP

by Erika Endraca | August 23, 2019 (Friday) | 953

MANILA, Philippines – Hindi banta sa komunidad ang napipintong paglabas ng aabot sa 11,000 bilanggo sa bansa ayon sa Philippine National Police (PNP).

Ayon kay PNP Spokesperson Police Brigadier General Bernard Banac, napagsilbihan na mga ito ang kanilang sentensya at nakapagbago na ang mga ito sa loob ng panahon na inilagi nila sa bilangguan.

May proseso aniya na sinusunod ang justice system sa bansa at may paraan rin ang pnp para manonitor ang development ng mga bilanggo kapag nakalaya na ang mga ito.

Babala pa ng heneral aarestuhin nila uli ang mga ito kapag muling lalabag sa batas. Samantala ,nais paimbestigahan ng ilang kongresista ang pagpapatupad sa Republic Act 10592 o ang batas na may kaugnayan sa “Good Conduct Time Allowance” na layong mapalaya ng maaga ang mga bilanggo.

Ayon kay House Committee on Justice Vice Chairman at Ako-Bicol Partylist Representative Alfredo Garbin Jr, maghahain siya ng resolusyon upang paimbestigahan ang pagpapatupad sa naturang batas.

Nais namang paamyendahan ni ACT-CIS partylist Representative Eric Yap ang naturang batas, dahil kailangan na magkaroon ng pamantayan kung sino ang maaring makalaya dahil sa “Good Behavior”. Giit ng mambabatas, hindi dapat maging kwalipikado dito ang mga kriminal na hinatulang guilty sa kasong rape.

(Lea Ylagan | UNTV News)