Paglaban sa illegal na droga, pinalakas pa ng pamahalaan

by Radyo La Verdad | April 12, 2016 (Tuesday) | 4664

NADPA
Magtutulungan ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor ang pagsugpo sa illegal na droga sa bansa.

Ito’y sa pamamagitan ng memorandum of agreement na pinirmahan ng Philippine National Police, Department of Education, Department of Interior and Local Government, Commission on Higher Education, Dangerous Drugs Board, Philippine Drug Enforcement Agency, Drug Abuse Resistance Education o DARE at Liga ng mga Barangay sa Pilipinas.

Ayon kay DILG Sec. Mel Senen Sarmiento, malaking bagay ang mga impormasyon na ibibigay ng mga ito sa Philippine National Police at PDEA upang mahuli ang mga miyembro ng drug syndicate.

Mahalaga rin ang partisipasyon ng mamayan sa pagsugpo ng droga sa pamamagitan ng pagtext sa numerong 09178475757 at pagtawag sa hotline 117.

Kaya naman panawagan ng DILG at PNP sa mga mamamayan, kung mayroong mga kaanak na lulong at nagbebenta ng illegal na droga, ipasok ito sa rehabilitation upang maagapan at hindi na umabot sa puntong mahuhuli at makukulong dahil wala itong piyansa.

Ang pinuno naman ng Drug Abuse Resistance Education o DARE nais na magkaroon ng international standard training para sa mga pulis upang sila naman ang magturo sa mga ahensya ng ukol sa paglaban sa illegal drugs.
Titiyakin naman ng pamunuan ng pambansang pulisya na kumpleto ang gamit ng mga operatiba upang masiguro ang kaligtasan ng mga ito sa paghuli sa mga sindikato nang ipinagbabawal na gamot.

Base sa tala ng PNP sa loob lamang ng tatlong buwan mula na Enero hanggang Marso nang taong kasalukuyan, nasa 11, 405 na ang kanilang naarestong sangkot sa illegal drugs, 9247 dito ang nakasuhan, 22 ang napatay matapos na manlaban sa mga operatiba at nasa 1.8 billion pesos naman ang halaga nang nakumpiskang illegal drugs.

(Lea Ylagan/UNTV NEWS)

Tags: