Matagal nang problema sa Cordillera Region ang talamak na bentahan ng marijuana dahil sa umano’y marijuana plantations sa lugar.
Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency Cordillera Regional Director 3 Juvenal Azurin, malaking hamon para sa kanila ang pagsugpo sa iligal na droga dahil malalaki at nakatago ang taniman ng marijuana sa rehiyon, partikular na sa Kibungan at Bakun sa Benguet.
Ang marijuana ay pumapangalawa sa methamphetamine hydrochloride o shabu sa most abused drugs sa buong rehiyon.
Iniulat rin ng PDEA ang pagdami ng mga barangay na apektado ng illegal drugs operations sa Cordillera.
Mula 124 noong 2015, nasa 136 na ito ngayon at ang pinakamarami ay naitala sa Baguio City.
Sa isinagawa naman nilang mahigit 70 operasyon mula Enero hanggang Abril 2016, apat napu’t anim ang nagresulta sa pagkakakumpiska ng mga shabu habang 26 naman ay marijuana.
Tinataya namang aabot sa P180 million ang halaga ng sinunog na marijuana sa pitong magkakahiwalay na eradication operations ng pdea sa loob ng apat na buwan.
Na-identify na rin ng PDEA ang umano’y apat na local drug groups sa Baguio at Benguet ngunit tumanggi muna silang isapubliko ito.
(Grace Doctolero / UNTV Correspondent)
Tags: Cordillera Region, malalaking marijuana plantation sites, Paglaban sa iligal na droga, pdea