METRO MANILA – Nagkasundo ang 17 alkalde sa Metro Manila na magpatupad ng moratorium sa pagkumpiska ng lisensya ng mga motoristang lalabag sa batas trapiko.
Ang moratorium ay magiging epektibo hanggat binubuo pa ng LGUs sa NCR, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation Office (LTO) ang mga guidelines para sa inter-connectivity program na gagamitin sa single ticketing system.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Romando Artes magpapasa ng ordinansa ang mga city at municipal councils sa Metro Manila na nagmamandato sa suspensiyon sa pagkumpiska ng driver’s license sa mga susunod na araw.
Bagamat hindi muna kukumpiskahin ang lisensya, babala ng Department of the Interior and Local Government (DILG), ililista pa rin ng mga traffic enforcer ang pangalan ng mga lalabag na motorista at ibibigay ang impormasyon sa LTO.
Kapag naipatupad ang single ticketing system magkakaroon na ng inter-conectivity sa database ng mga lalabag sa batas trapiko sa Metro Manila.
Ayon sa DILG, makatutulong ito para magkaroon ng common database ang Metro Manila LGUs, MMDA, at LTO.
Inanunsyo na rin ni DILG Secretary Benhur Abalos na nangako ang Metro Manila mayors at MMDA na bababaan ang penalty sa ilang traffic violations.
Inaasahang sa first quarter ng 2023 na maipatutupad ang single ticketing system sa Metro Manila.
(JP Nunez | UNTV News)
Tags: DILG, LTO, MMDA, NCR, Single Ticketing System