METRO MANILA – Hindi maikakaila ang learning loss o kakulangan sa kaalaman na inaasahan sa mga mag-aaral ayon sa Federation of Associations of Private Schools and Administrators (FAPSA).
Batay ito sa inilabas kamakailan na pag-aaral sa ilalim ng Philippine Assessment for Learning Loss Solutions (PALLS) sa huling kwarter ng taong 2022.
Nakasaad dito na sa 3,600 estudyante sa mga pribadong paaralan mula grade 1 hanggang 12, 47.5% ang average score ng mga ito sa Math, 54.1% sa Science at 61.5% sa English.
Mababa ito sa 60% na standard passing score na itinakda ng Department of Education (DepEd).
Paliwanag ni FAPSA President Eleazardo Kasilag, bunsod ito pangunahin ng pandemya kung saan 2 taong online lang nag-aaral ang mga estudyante.
May epekto rin aniya ang spoon-feeding na pamamaraan ng pagtuturo ng mga magulang para lang makapasa sa mga online course.
Ayon pa sa grupo ng mga pribadong paaralan, may mga programa sila na makatutulong na maka-recover o makabawi ang mga bata sa kanilang aralin.
Kabilang na dito ang tinatawag na summer classes o remedial classes.
Ngunit hinihimok nila na para mas matutukan ang mga mag-aaral ay maiging magkaroon ng tutor o pribadong guro ang bawat estudyante.
Aminado naman ang DepEd na may mga pagkukulang na sa aralin ng mga estudyante kahit bago pa man magkaroon ng pandemya.
Ayon kay DepEd Spokesperson Michael Poa, prayoridad ng kagawaran ngayon ay ang learning recovery o makabawi sa aralin ang mga estudyante sa pamamagitan ng iba’t ibang programa.
Isa na rito ang matatag agenda na layong mapabuti ang antas ng basic education sa Pilipinas.
Para naman sa long term solution na makasunod ang mga estudyante sa mga aralin, patuloy naman ang pagrerebisa ng DepEd sa K to 12 curriculum na anila ay congested o masyadong marami o mabigat para sa mga mag-aaral.
(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)