Pagkansela sa kandidatura ni Sen Grace Poe, dinepensahan ng COMELEC sa Korte Suprema

by Radyo La Verdad | February 3, 2016 (Wednesday) | 1576

COMMISIONER-ARTHURO-LIM
Sa pagpapatuloy ng pagdinig sa oral arguments ngayong martes ay ipinagtanggol ng COMELEC ang kanilang desisyon na kanselahin ang kandidatura ni Senador Grace Poe.

Ayon kay COMELEC Comissioner Arthur Lim, hindi panghihimasok sa kapangyarihan ng Presidential Electoral Tribunal ang kanilang desisyon.

Hindi naman anila pinagbabawalan ng batas ang COMELEC na tingnan ang kwalipikasyon ng isang kandidato upang matukoy kung may material misrepresentation dito.

Ayon pa kay Lim, si Poe ang may obligasyon na patunayang siya ay natural born citizen matapos niyang aminin na isa siyang foundling.

Kahit man na ipagpalagay na isang natural born citizen si Poe, naiwala niya ito nang siya ay maging naturalized citizen ng Estados Unidos noong 2001.

Hindi rin aniya dapat panghawakan ang international law dahil batay na rin sa desisyon ng Korte Suprema noong 2012, may kanya-kanya panununtunan ang mga bansa kung sino ang kinikilala nilang mamamayan.

Sinabi pa ni lim na noong July 2006 lamang maituturing na nagsimulang manirahan sa bansa si Senador Poe matapos ang kanyang repatriation.

Sa pagtatanong naman ni Chief Maria Lourdes Sereno kay Commissioner Lim, nabanggit nito ang dalawang kaso kung saan sinabi ng Korte Suprema na citizen ng bansa ang dalawang batang foundling o hindi tukoy ang magulang.

Ito ang mga kaso ng batang si Rose noong April 1963 at ni Collin Berry Duncan noong February 1976.

Ipinakita rin ni Sereno ang posibleng implikasyon sa buhay ng mga foundling sakaling magdesisyon ang korte na hindi natural born citizen ang mga ito.

Isa dito ay hindi sila maaaring maupo sa libo-libong posisyon sa gobyerno na requirement ang pagiging natural born citizen.

Ni hindi sila maaaring maging scholar ng DOST ayon kay Sereno dahil requirement sa pagiging dost scholar ang natural born status.

Dagdag pa ng punong mahistrado na kung sakaling magdesisyon ang korte na hindi mamamayan ng bansa ang mga foundling, ni wala silang karapatan na mangisda sa mga karagatan ng Pilipinas dahil ito ay para lamang sa mga mamamayan ng bansa.

(Roderic Mendoza/UNTV News)

Tags: , , ,