Pagkamatay ng Artist at Painter na si Bree Johnson, iniimbestigahan na ng PNP

by Erika Endraca | September 22, 2021 (Wednesday) | 5155

METRO MANILA – Pinaiimbestigahan na ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar ang pagkamatay ng artist at painter na si Bree Johnson sa La Union nitong Sabado( September 18).

Inatasan ni Eleazar si Regional Director of Police Region Office 1, Emmanuel Peralta na magsagawa ng masusing imbetigasyon sa pagkamatay ni Johnson upang matukoy ang dahilan ng kaniyang kamatayan.

Batay sa inisyal na ulat, natagpuan ang wala ng buhay na katawan ni Johnson sa Floatsam Jetson Resort sa San Juan, La Union.

Kasa-kasama ni Johnson ang kaniyang boyfriend na si Julian Ongpin sa nasabing resort bago mangyari ang insidente.

Sinampahan ng kasong paglabag sa iligal na droga ang kasintahan ni Bree Johnson na si Julian Ongpin matapos magpositibo sa drug test at makuhanan ng 12.6 gramo ng coccaine sa inuupahang kuwarto sa isang resort sa La Union.

“Hinihintay lamang ng PNP ang pagsasagawa at ang resulta ng autopsy sa mga labi ni Binibining Jonson upang malaman kung may karagdagang kaso na isasampa laban sa kanyang kasintahan,” ani PNP PGen. Eleazar.

Samantala, ipinag-utos ng Provincial Prosecutor’s Office na palayain si Ongpin habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Ipinagbilin naman ni Eleazar ang availability ni Ongpin habang hindi pa natatapos ang imbestigasyon sa nangyari kay Johnson.

(Kyle Nowel Ballad | La Verdad Correspondent)

Tags: , ,