Pagkakasama ng Pilipinas sa listahan ng mga bansang hindi magandang pagtrabahuhan, hindi makatotohanan – DOLE

by Erika Endraca | July 7, 2021 (Wednesday) | 4487

METRO MANILA – Nakahanay ang Pilipinas sa 10 bansang itinuturing na hindi paborableng lugar para sa mga manggagawa base sa 2021 International Trade Union Confederation (ITUC) global index.

Kabilang din dito ang mga bansang Bangladesh, Belarus, Brazil, Colombia, Egypt, Honduras, Myanmar, Turkey at Zimbabwe.

Isa ang ALU-TUCP sa mga labor group sa bansa na miyembro ng ITUC.

Ayon kay ALU-TUCP Spokesperson Alan Tanjusay, sa mga labor group nanggagaling ang impormasyong pinagbabatayan ng ITUC.

Ang nagpalala aniya sa kalagayan ng kundisyon para sa mga mangagawa sa Pilipinas ay ang pagpatay sa mga labor leader.

“Ito yung mga manggagawa at mga Labor Leaders ay nagpagkakamalian ng ating gobyerno na mga komunista at sila ay itinuturing na terrorista. Marami na sa kanila ang pinapatay, dinudukot at tinatako” ani ALU-TUCP Spokesperson Alan Tanjusay.

Sinasabi rin sa 2021 ITUC Global Rights Index na 87% sa 149 na bansa ang lumabag sa karapatan para mag strike; 79% sa karapatang magkaroon ng collective bargaining; at 74% ang lumabag sa karapatang bumuo ng mga unyon.

Tinutulan naman ito ng grupo ng mga employer.

“Dito the labor can say what they want even against the president, even against anybody. They can have rally even violation of pandemic walang hinuhuli” ani ECOP President Sergio Ortiz-Luis Jr.

Pagtatanggol naman ng Labor Department, walang maipakikitang ebidensya ang ITUC sa paglalagay nito sa Pilipinas sa kanilang listahan.

Ayon kay Secretary Silvestre Bello III, maging ang International Labor Organization (ILO) ay naniniwala sa Pilipinas sa pagbibigay ng proteksyon sa mga manggagawa.

Sa katunayan aniya ay ginawa ang pilipinas bilang chairman ng ILO.

“Kung masama ang ating record sa labor protection paano ko na-elect? Edi sana hindi ako na-elect. This is a very clear proof na we are considered as one of the countries who’s respect for union rights and union members are well protected and recognized” ani Secretary Silvestre Bello III.

Ayon naman sa Malacañang, naapektuhan ng pandemaya ang kalagayan ng mga mangagawa pero umaasang makakabawi narin ang ekonomiya.

“Naniniwala tayo na habang dumadami ang hanay ng nababakunahan at nabubuksan ang ating ekonomiya mas bubuti rin ang kalagayan ng mga mangagawa sa ating bayan” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,