Pagkakaroon ng vaccination site sa mga workplace, iminungkahi ng ALU-TUCP

by Radyo La Verdad | January 28, 2022 (Friday) | 1484

Dismayado ang Associated Labor Unions Trade Congress of the Philippines sa bagong patakaran ng pamahalaan hinggil sa “no vax, no ride” policy.

Maaring makaapekto rin anila ito sa operasyon ng mga negosyo na maaring pagmulan ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng employer at empleyado, maging ang mismong mga tagapagpatupad ng polisya.

Imbes na pwersahin ang mga unvaccinated, iminumungkahi ng ALU-TUCP na dalhin na sa lugar na pinagata-trabahuhan ng mga mangagawa ang Covid-19 vaccination. Suhestyon pa ng grupo, mas makakabuti kung dadagdagan pa ang mga venue ng resbakuna sa botika.

“Dalhin na mismo ang mga bakuna sa mga factory, mga opisina at mga pagawaan para mas marami talagang manggagawa ang mabakunahan at may access sa bakuna ng gobyerno”, ani Alan Tanjusay, Spokesperson, ALU-TUCP.

Bukod pa rito dapat rin anilang palawakin pa ang bakunahan sa mga mangagawa sa probinsya at hindi lamang ito dapat nakatuon sa Metro Manila.

Sa mga naunang pahayag ng Department of Labor and Employment sinabi ng mga ahensya na pinagaaralan na ng pamahalaan ang posibilidad ng paglalagay ng vaccination sites sa workplaces.

Noong Lunes una nang inilunsad ng Department of Transportation ang mobile vaccination sa Parañaque Integrated Terminal exchange.

Habang inihahanda na rin ang gagawing pagbabakuna sa apat na istasyon ng MRT-3 kabilang na ang Cubao, Shaw Boulevard, Boni at Ayala Stations.

Aileen Cerrudo | UNTV News

Tags: , ,