Pagkakaroon ng sapat na supply ng kuryente sa Mindanao Region hanggang sa darating na eleksyon, pipilitin ng pamahalaan – Malacanang

by Radyo La Verdad | January 8, 2016 (Friday) | 4059

COLOMA
Pinawi ng Malakanyang ang pangamba ng publiko sa posibilidad na lumala pa ang power shortage sa Mindanao Region dahil sa ginagawang pagpapasabog sa mga transmission tower sa Mindanao Region.

Ayon kay Presidential Communication Operations Office Secretary Sonny Coloma, target ng Department of Energy na sa kalahatian ng taong 2016 ay madagdagan pa ang power capacity ng Mindanao ng 600 megawatts.

Sinabi ng Malakanyang, ngayon araw papasinayaan na ni Pangulong Benigno Aquino III ang 300 megawatt baseload power plant sa Davao del Sur.

Sa ulat din ng Department of Energy, nakikipagtulungan na ang ahensya sa mga lokal na pamahalaan upang higpitan pa ang pagbabantay sa mga transmission tower at maresolba ang anumang isyung nakapaloob dito.

Sinabi rin ni Coloma na pipilitin ng pamahalaan na gawin ang lahat upang hindi magkaroon ng problema o makompromiso ang darating na eleksyon dahil sa problema sa supply ng kuryente sa rehiyon.

Una na ring inihayag ng Comelec na pinaghahandaan na rin nila ang worst case scenario sakaling mawalan ng kuryente sa ilang lugar sa bansa sa mismong araw ng halalan.

Ayon sa poll body kahit walang kuryente ay may back up batteries naman ang mga vote counting machines na tatagal ng maghapon, bukod pa ang mga naka-antabay na generator set.

(Nel Maribojoc/UNTV News)

Tags: , , ,