MANILA, Philippines – Pinamamadali na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbuo sa Department of Overseas Filipino Workers(OFW).
Ayon sa punong ehekutibo, nais niyang mapasa-ilalim sa supervision at control ng Department of OFWs ang mga recruitment agency sa bansa.
“Kaya apurahin ko ‘yang department of ofw. Bawal na ang recruitment sa abroad sa labas. Kung gusto nila, diyan sila maglagay ng mesa. So under the supervision of government at walang horrendous charges. Hindi ako papayag ng ganun ‘pag natayo ‘yan.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.
Layon nitong magkaroon ng ahensyang tututok sa pangangailangan ng mga OFW. Dagdag pa nito, nais niyang mabuo ang framework sa Ikalawang Linggo ng Agosto.
Samantala ayon naman kay Senador Bong Go, posible ang target na December ng pangulo na maitatag ang Department of OFWs.
Ito ay lalo na’t nakapagpasa na ng panukala sa senado at tiwalang susuportahan din sa mababang kapulungan ng kongreso. Bukod dito, nagbabala rin ang pangulo laban sa mga iligal na recruitment agencies.
(Rosalie Coz | Untv News)
Tags: OFWs, Pangulong Rodrigo Duterte