Pagkakaroon ng cartel ng bawang at pagbili sa Mighty Corporation, iniimbestigahan ng Philippine Competition Commission

by Radyo La Verdad | August 2, 2017 (Wednesday) | 2004

Simula a-nuwebe ng Agosto epektibo na sa kabuuan ang paghahabol ng Philippine Competition Commission sa mga cartel at mga nagsasabwatang negosyante.

Mandato ng komisyon na mapanatili ang kompetisyon sa merkado upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga consumer.

Isa na rito ang pagkakaroon ng mga sabwatan gaya ng cartel sa bawang na itinuturong dahilan ng pagtaas ng presyo nito.

Natanggap na ng komisyon ang hiling ni Sen. Cynthia Villar na imbestigahan ang cartel sa bawang matapos lumitaw sa pagdinig ng senado na muli itong nagbabalik. Gumugulong na rin ang hiwalay na imbestigasyon sa cartel ng semento.

Sinisilip na rin ng komisyon ang pagbili ng JT International sa kontrobersyal na kumpanya ng sigarilyo na Mighty Corporation.

Kailangan din kasing aprubahan ng komisyon ang pagsasanib ng mga kumpanya kapag umabot na ng isang bilyong piso ang halaga ng kontrata.

Hinihiling din ng PCC sa publiko na isumbong sa kanila ang anomang sabwatan sa negosyo at industriya na nagdudulot ng mas mataas na presyo ng mga produkto at serbisyo.

Sa ilalim ng Philippine Competition Act, pagkakabilanggo ng hanggang pitong taon at multang hanggang 250-million pesos ang parusa sa mapatutunayang sangkot sa cartel.

 

(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)

Tags: , ,