Lumalabas sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation na sinadya ang pagpatay kina Mayor Rolando Espinosa at Raul Yap sa loob ng kanilang selda sa Leyte Sub-Provincial Jail noong November 5.
Kumbinsido ang nbi na planado ang pagpatay at walang kalaban-laban ang mga biktima kayat sinampahan ng multiple murder ang dating hepe ng CIDG Region 8 na si P/Supt. Marvin Marcos, kasama sina P/Supt. Santi Noel Matira, P/CInsp. Leo Laraga at 21 pang pulis na kasama sa operasyon.
Ayon pa sa NBI, rub-out ang nangyari at batay sa mga tama ng bala, walang barilang naganap sa pagitan ng mga pulis at ni Mayor Espinosa.
May mga testigo ring nakakita na pumasok sa selda ang isang pulis na may dalang baril matapos ang pamamaril sa alkalde.
May problema rin umano sa search warrant na ginamit ng CIDG Region 8 dahil nagsinungaling ang testigo ng mga pulis na si Paul Olendan na isang ex-convict.
Sinasabing nakita ni Olendan ang baril at shabu noong October 28 nang bumisita siya sa selda nina Espinosa at Yap.
Ngunit tumestigo ang mismong supervisor at mga katrabaho ni Olendan sa Leyte National High School na pumasok ito sa trabaho nang araw na yun.
Imposible rin ayon sa NBI na may baril at shabu sa selda nina Espinosa dahil katatapos lamang halughugin ang kanilang selda ilang araw bago ang operasyon ng CIDG.
Batay sa imbentaryo ng mga jail guard, cellphone lang ang nakumpiska sa ginawang Oplan Galudad sa selda ng napaslang na alkalde.
(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)
Tags: Pagkakapatay kay Mayor Rolando Espinosa, rub-out ayon sa imbestigasyon ng NBI