Ginunita kahapon ang ikalawang taong anibersaryo ng pananalasa ng bagyong Yolanda o Typhoon Haiyan sa Eastern Visayas.
Unang highlight sa programa ang comemmorative walk na dinaluhan ng mga opisyal ng gobyerno gaya nina Vice President Jejomar Binay, Sen. Gringo Honasan, Sen. Bongbong Marcos, Leyte Rep. Martin Romualdez at Tacloban Mayor Alfred Romualdez.
Kasunod nito ay ang unveiling ng Astrodome Memorial Marker sa Tacloban Astrodome. Nakasulat sa marker ang mga pangalan ng libu-libong nasawi sa pananalasa ng supertyphoon Yolanda. Magsisilbi ring paalaala ang istrakturang ito kung paanong muling bumangon ang mga nakaligtas sa naturang trahedya.
Habang nagbabalik-tanaw sa paghagupit ni Yolanda dalawang taon na ang nakalilipas, nag-umaapaw naman ang pasasalamat ng mga survivor pagkaligtas nila sa sakuna.
Samantala, sa kanyang talumpati sa ikalawang anibersaryo ng Yolanda tragedy, hinimok ni Pangulong Noynoy Aquino ang publiko lalo na ang mga taga-Eastern Visayas na gawing inspirasyon ang naging karanasan sa pananalasa ng bagyong Yolanda para patatagin ang mga komunidad, panatilihin ang pagkakaisa at pagmamalasakit sa kapwa sa panahon ng kalamidad at pagsubok sa buhay.
“May the memory and lessons of that time inspire us to persevere in building back better, and in living up to the solidarity, resilience, and generosity of Filipinos from all walks of life demonstrated not only then, but in all times of challenge and adversity”, pahayag ng pangulo.
Dagdag pa ng pangulo, panahon din ito upang kilalanin ang pagkakaisa hindi lamang ng mga Pilipino kundi maging ng buong mundo sa pagtulong para makabangon ang mga nasalanta ng kalamidad.
Pahayag ni Pang. Aquino, “God’s grace has enabled our country to ease the sufferings of those who lost everything in Yolanda, and reestablish communities that are once again working to have a safer, and prosperous future. This would not have been possible without the world’s embrace of our people and our people’s own heroic generosity and sacrifice.
The Filipino people will never forget the kindness that allowed us to overcome this tragedy and are resolved to be there for nations and peoples similarly affected by tragedy.”