Pagkakaiba ng bagong limang pisong barya sa piso, binigyang-diin ng BSP

by Radyo La Verdad | December 29, 2017 (Friday) | 9620

Hindi dapat malito ang publiko sa pagkakaiba ng bagong limang pisong barya sa piso ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas. Kumpara sa piso, mas mabigat ang bagong five-peso coin, mas makapal at mas malaki. Makinis din ang gilid ng five peso coin hindi tulad ng piso.

Higit sa lahat, nakalimbag ang mukha ng bayaning si Gat Andres Bonifacio sa bagong limang piso at sa kabilang panig naman ay ang tayabak na isang natatanging uri ng halaman sa Pilipinas.

Pinaliwanag din ng BSP, ang dahilan kung bakit kinakailangan nilang magpalabas ng panibagong five-peso coin dahil sa coin shortage. Kaya para makatipid, binago din ang metallic composition ng five peso coin.

Bukod dito, ang naturang five peso commemorative coin ay inilabas din ng BSP bilang bahagi ng paggunita sa ika-isang daan at limampu’t apat na kaarawan ni Gat Andres Bonifacio at upang tugunan din ang malaking demand sa barya ngayong holiday season.

Samantala, muling nagpaalala ang BSP na wala nang extension sa deadline ng pagpapalit ng mga demonetized banknotes ngayong araw ng Biyernes.

Lahat ng magpapapalit ay kinakailangang pumila sa BSP Manila, Quezon City at regional offices at brances sa loob ng banking hours at sakaling hindi ma-accommodate ay bibigyan ng official forms upang makapagpapalit pa rin sila sa January 3, 2018.

Nagbabala rin ang BSP laban sa mga modus operandi na target maging biktima ang mga nagpapapalit ng lumang salapi.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,