Pagkaka-convict sa 3 pulis-Caloocan, itinuturing na dagok sa war on drugs ng pamahalaan – PNP

by Radyo La Verdad | November 29, 2018 (Thursday) | 5889

Iginagalang ng Philippine National Police (PNP) ang guilty verdict ng korte laban kina PO1 Jerwin Cruz, PO1 Jeremy Pereda at PO3 Arnel Oares ng Caloocan PNP kaugnay sa pagpatay kay Kian Delos Santos.

Ngunit aminado si PNP Spokesperson Police Chief Supt. Benigno Durana Jr., malaking dagok ito sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga. Sa kabila nito, tuloy aniya ang war on drugs at hindi sila magpapaapekto.

Sinabi pa ni Durana na ang ginawa ng tatlong pulis ay hindi sumasalamin sa kabuoan ng PNP organization at hindi nila kinukunsinti ang gumagawa ng mali.

Binigyang-diin nito na walang utos ang pamunuan ng PNP sa mga pulis na patayin ang mga drug suspek at sa halip ay igalang ang karapatan ng mga ito.

Sa ngayon ay patuloy namang dinidinig ng PNP Internal Affairs Service ang kasong administratibo nina Cruz, Pereda at Oares.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,